Hatol ni Mabuti

 

Ang siyudad – ang siyudad na nakikisabay sa mabilis na pag-ikot ng panahon, sa mabilis na takbo ng umaga at nagmamadaling pagdilim ng paligid. Ang siyudad na pilit ginagawang larawan ng kaunlaran at kalakalan, na ginagawang pang-isang iglapan ang pagbabagong anyo ng industralisasyon. Ito, ito ang mukhang bumubungad sa kapaligiran ng bansang nasa iisang yugtuan lamang ang buhay, na iisang kasaysayan lamang ang inaalam at binabasa. ITO ang bansang paulit-ulit na nagiging sunud-sunuran sa dikta ng kanyang sawing kasaysayan.

Ang naglalakihang gusali na wari bang itinayo ng mabathalang kamay ay magkakahilerang inaabot ang kalangitan sa umaga at ang kalawakan sa gabi. Ang istrukturang nakikipagpataasan sa lipad ng mga ibon sa kalangitan na kung iyong susumahin ay kayang makabangga at lagutin ang hininga ng kawawang nilalang. Nakikipagtayugan sa isa’t isa na kung sa dating kwentong pambata ay dinadaig ng mga ito ang kawayan at ang puno ng manga.

Ang kalyeng hindi nagagawang matulog dahil kahit na sasapit ang pagdidikit ng araw ay narito pa rin at buhay na buhay – buhay sa ingay ng mga sasakyan ang nagkakagulong mga taong naglalakad sa kakalsadahan. Ang dating ingay ng kuliglig sa gabi ay binibingi nang malalaking tinig ng mga kahong may apat na paa na siyang humaharurot sa parihabang sinementong lupa at damuhan.

Kung lilibutin mo ang buong lungsod sa kadiliman ng gabi ay hindi mo mamamalayang panibagong araw na pala. Ang maliwanag at nagniningning na mga poste ay may kakayahang magpalimot sa kung anung oras na. Ang naninilaw na ilaw sa paligid ay may kakayahang baguhin ang anyo ng gabi. Ang nahihimbing na diwa ay pinapag-alab nang marikit na liwanag na sumasabay sa masalimuot na tugtuging walang nakaririnig kung hindi ang mga taong tuyo’t ang katawan at kaluluwa sa pag-asang ang bukas ay ngitngiti sa kanila.

Ang lungsod na larawan ng kaunlaran ay siya mismong malaking pahina sa aklat ng buhay na kumukunsinti at nagbibigay daan sa mas malayong puwang nitong langit at lupa. Ang kaunlaran ng lungsod ang siyang katotohanang nagbibigay giya sa pagkakaiba ng madilim at maliwanag. ITO ang lungsod sa sumasalamin sa gulong na hindi umiikot, hindi makausad at hindi maka-abante.

“Toto! Lumapit ka nga rito!” mabathalang pag-uutos ng isang lalaki. “Babain mo si Luis, kuhanin mo ang package, iakyat mo dito sa taas, iligpit mo itong lamesa, itago mo ang mga dokumentong ito, itapon mo ang basura, isama mo na ang lumang mga folders, kumuha ka ng bago sa stock room, magparesibo ka sa supplies, puntahan mo si Andy, ipahanda mo na ang kotse ko, ipagarahe mo naman ang company car, tapos walisan mo itong opisina, at habang wala ako, huwag kang tatamad-tamad!” sunud-sunod na utos nito.

Ang naumid na inuutusan ay hindi magawang makapagsalita, hindi magawang makapagreklamo o kaya naman ay makaangal. Ito na ang buhay niya na mula pagsilang ay nasa ilalim nang gulong na sumisiil sa kanyang katauhan, humahamak sa kanyang kakayahan at umaaba sa kanyang katauhan. Ito ang buhay nang isang walang kapangyarihang mamamayang patuloy na maaapi ang kanyang katayuan.

“Ano ba naman to!” bubod ng kawawang nilalang.

“May sinasabi ka?” tanong ng lalaki.

Umiling na lamang ang nilalang na wari bang sinasang-ayunan na lamang ang pagtangay sa kanya ng kapalaran. Nagpatianod ang walang labang pobre sa kung saan man siya dalin ng kanyang mapaghamon na bukas.

Ang mga oras na dapat sana ay ipinagpapahinga niya sa kanilang dampa ay kanyang ginugugol sa loob ng silid na iyon, ang silid kung saan napagkukuhanan niya ng karampot na halaga upang magkaruon ng pangkain at pangbuhay sa kanilang mag-amang pinatanda nan g panahon subalit nanatiling nasa ilalim ng tatsulok kasama ang napakaring gaya niyang nakalugmok at nakasubsob sa pang-aalipin ng kahirapan. ITO ang larawan ng isang tipikal na kaluluwang kumikilos gamit ang sariling kamay na pinagbabayaran ng masaganang pawis, hinanakit at sama ng loob.

Nakapagpalit nan g araw ng matapos ng kawawang matanda ang mga iniutos sa kanya. Pinatay na niya ang ilaw matapos ay may kung anung nag-udyok sa kanya upang silipin ang maliwanag na buhay sa labas ng opisinang iyon. Kasabay ng paglalim ng gabi ay ang sumisiglang tanawin, mga kabataang nakikisabay sa pagpapalit ng araw at nakikisayaw sa musika ng modern at huwad na kaunlaran.

May kurot na naramdaman ang kawawang matanda, kurot sa kanyang kalooban na kung susumahin ay isa lamang manipestasyon ng inggit at kalungkutan. OO, TAMA! Nakaramdam ng inggit ang puso ng kawawang matanda dahil ni minsan sa buhay niya ay hindi niya magagawang makapagsaya o makisabay sa daloy ng “kaunlaran” sapagkat ang mga taong tulad niya ay ikinulong nang lipunan upang manilbihan sa nakaraan. Siya ay nabubuhay upang tumamasa ng hindi tinatamasa ng iba – PAGHIHIRAP.

Gustuhin man niya o pilitin na mabago ang hihip ng hangin o kahit maging ang ritmo lamang ng kasaysayan subalit sa lakas na mayroon siya, sa kapalarang pinagkaloob sa kanya, sa katotohanang siya, na may kapangyarihan lamang tuwing eleksyon ay nakatadhana nang malugmok sa kahirapan at pagdurusa sa kasalanan ng kanyang kahapon. Tila ba isa itong sumpa na magpapasa-pasa lamang sa kanyang mga apo, apo ng mga apo, kaapu-apuhan, pinakakaapu-apuhan at maging sa kanyang apo sa dulo ng kanyang kalyo sa talampakan – KALYONG sumisimbolo ng mabibigat na trabahong kanyang ginagawa kapalit lamang ang maliit na halagang pilit pagkakasyahin upang mabuhay ang kanyang anak. Ito ang buhay na kanyang ipapamana liban na lamang kung sa isang iglap mababago at pupula ang kulay ng kanluran.

Isinara na ng matanda ang blinds sa bintana saka humakbang palabas, mabilis at nagmamadali. Nais na niyang muling makapiling at makasama ang kanyang anak na alam  niyang kumakalam na rin ang sikmura gaya niya.

Sa labas ng kanilang tahanan, nasaksihan ng kanyang mga mata kung papaanong kinakain ng dilim ang gabi ang kanilang bahay. Iba ito sa kanyang namasid sa pinapasukan na kung saan ay buhay na buhay ang mga kaluluwang naghahangad ng panandaliang aliw at ligaya kapalit ng salaping sa isang buwan ay pinaghihirapan niya.

Pero ano ito –

Julio! Anak!” sigaw ng kahabag-habag na matanda ng makitang bulagta sa sahig ang kanyang tanging pamilya.

“Tay?!” sabi ng batang may isang matipid at inosenteng ngiti.

“Andito na si tatay, andito na ako anak!” wika ng matanda habang inaalalayang bumangon ang kanyang anak.

Isang maliit na dampa lamang ang bahay na iyon, tabi-tabi ang mga bahay at gitgitan. Kung hindi mo pa uuriing maigi ay hindi mo mararamdamang may mga tao palang duon ay sumisilong at kumukuha ng proteksyon. Tagpi-tagpi at minsan pa’y butas-butas ang mga dingding na tinapalan ng plastic.

Akala ng lahat ay payapa na ang kadiliman, ngunit heto! Isang nakakapanindig na kaganapan ang kasalukuyang nagsisimula, ang tumpok ng mga bahay ngayo’y tila siga na pilit tinutupok ang munting mga barung-barong ng lahat ng pinagkaitan.

Ito ang HATOL! Ang hatol ng mga nagpapanggap na mabuti sa lipunan!