Wala na lang

“Maraming bagay sa mundo ang hindi kontrolado na karaniwang nagbibigay ng pangamba at takot,” sabi ko.

Ayoko sanang sabihing ilang araw ko ring iniyakan, and matakot sa mga bagay na hindi ko alam.

Ilalarawan ko pa ba, kung papaano ako pinahirapan nitong mga pag-aalinlangan na sa bandang huli ay lumamukos sa munti kong pangarap.

Sa bawat pagputok ng araw, isa lang ang nasa isip ko, ang maging ako sa susunod na mga araw.

Isa lang naman ang gusto ko, ang bigyan ng direksyon ang masanga kong buhay na baka wala na kinabukasan.

Untitled Love Poem

Say goodbye to lost waters

Kiss away these rough sails from shore

And the waves forming like comb

Brushes the stillness of whore

 

 

Stay calm, stay preserved

As the moon gently embraces your youth

The guardian of the nights are served

Soul, in the midst was caught

 

 

The door was left opened

Welcoming the winds from the darkest north

The statue of filthy doom was offered

To your hands, left all the sort

 

 

Say goodbye, dream was over

Open your eyes reddening in strange emotion

Questioning the reality that was covered

To your hands, left all the motion

Hanggang sa muling pagkikita

 

Isang malamig na gabi kung saan nagngangalit ang langit,

May damdaming, ipinangakong ibabaon ng may ngitngit

Limutin ang nakaraan,

Limutin ang nakalipas

 

Pumikit para lumimot,

Nilinis ang diwang nagkalat sa sulok

Ng mga alaalang sanga-sanga at nagdudulot ng hinagpis

Na pumapatay sa mga kalamnang may hapis.

 

Humapis na ang pisngi,

Pinabayaan ang sayaw sa magkabilang gilid

Lumamlam na ang matang dati’y matingkad

Napawi ang sayang may maliwanag na kislap

 

Maaari bang kalimutan na lamang ang lahat

Habang pilit iniiwasang magtagpo ang kapalaran

Nitong makipot na kalsadang may iisang daan

Sa takot na maulit ang mantsa ng nakaraan.

 

Nilisan kita na may iisang bihis,

Sana sa muling pagkikita ay iba na ang paglilitis

Maiba man ang hihip, manatili ang pag-ibig

Sa masasayang sandaling ibinihagi

 

Kakawayan na lamang kita at titigan

Mula sa malayo ikay mamasdan

Kakawayan na lamang kita at titigan

Habang bumubulong na sana’y muli kang masilayan

Pasensya sa Abala

 

Kinatok ko ang pintuan mong nakakandado

Nagpaalam na kung maaari bang makapasok

Nakita ko, ngumiti ka at ako’y pinagbuksan mo

Lumapit sa iyo subalit tumalilis ka palayo

 

Walang salita, walang paliwanag kang umupo

Nilapitan ka, subalit sandosenang hantik ang salubong

Walang kakurap-kurap ang maamo mong mukha’y nakatitig

Inuuri at minamasdan ang anyo kong sa nakaraan pa galing

 

Sa wakas, ibinuka mo ang iyong bibig,

Naghihintay ng anumang paliwanag sa nangyayari

Subalit bigo,

Sinuklian mo ng ngiti ang isang kahiwagaan

 

Paumahin, hindi na mauulit,

Hindi na muling ika’y aabalahin

Tumindig at nakayukong lumalakad sa pinto

Palabas subalit may kung anung nagpahinto

 

“Sandali!” sabi mo saka mula sa likuran ay tumungo

“Sa darating na hinaharap ako ay hantayin,

Sa pagsapit ng panahong maliwanag ang buwan,

Na hindi na uso ang larong bahay-bahayan,”

 

Paumanhin, hindi na mauulit,

Hindi na kita muling aabalahin

Sana ay maisipan mong, kahit minsan ako’y dalawin

Mananatiling bukas, itong bahay na walang dingding.

Pangako Huli Na

 

Narinig ko na kung papaano mo laruin ang plawta?

Masdan ang iyong mga daliring nagpapalipat-lipat

Aralin ang mukha habang nakapinid ang iyong kaluluwa

Naising mahawakan ang lagusan ng iyong buhay

 

Tulad halimbawa mga ibong palipat-lipat ng punong tahanan,

Ng mga asong lobong patakbo-takbo sa loob gubat

Mga ligaw na kaluluwang hindi alam ang pupuntahan

O ng mga odang wala naman talagang patutunguhan.

 

Naalala ko kung paano mo tanggihan ang awiting hinimig para sa iyo

Mga bulong mula sa ilang na nagpipilit makihalubilo

Mga nagsusumiksik na diwang karapat-dapat mong matamo

Naalala ko kung paano mo binigo ang isang dayuhang dumaong

 

Ilang ulit ba kitang narinig?

Narinig na magbuntong-hinginga at maghinaing

Ilang saglit lang ba ng huli kitang masilayan?

Habang hawak mo ang kayamanan ng ilan.

 

Para kang isang awiting magulo ang ritmo

Pilitin mang intindihin subalit hindi makuha ang nais sabihin

Iba ang iyong melodiya

Para sabayan ng taong parehong kaliwa ang paa

 

Nangako akong titigil na

Hindi magsasabi sa iba

Subalit ikaw ay sadyang iba

Paano ko ba iiwasang damayan ka?

 

Pangako huli na!

Di na ako uulit pa

Ipapaubaya na sa iyo ang kabuuan

Ibibigay na sa iyo ang lahat ng karapatan.

Nang Sabihin Ko Sa’yong Mahal Kita

 

 

Nang sabihin ko sa’yong mahal kita, sabi mo’y di ka naniniwala

Gaya ng pagkakaroon ng sampung planetang lumilibot sa araw

Sa paglibot ng tao sa walang hanggang solaryo

O ang pagtawid sa kabilang planeta para magkahon.

 

Gusto kita, bakit ayaw mong maniwala

Sinabihan mo akong tulad ako ng hanging panandalian lamang

O ng tubig na patuloy sa pagdaloy sa kung saan humihimlay

At ng init ng araw na madaling pagtaguan at iwasan.

 

Sabi mo pa’y isang biro at hindi magiging totoo

Gaya ng paglalakbay sa hinaharap at nakaraan

Samantalang ang mayroon lamang sa kamay ay ang kasalukuyan

Sinabihan mo pa akong umayos at umasal ng seryoso.

 

Ibinaba ko ang lahat gaya ng bandila sa gitna ng laban

Isinuko ko ang sandakot na luhang tumuyot sa kaibuturan

Ibinigay ko ang tanda nitong kunyaring kundiman

Maging pagpapaubaya sa liriko ng ating ugnayan.

 

Mahal kita, seryoso ako!

Huwag na lang pala, baka ulitin mo

Ipaalalang kailanma’y di magiging tayo

Na ayaw mo dahil sa kasabikan mo.

Ang Pagbabalik

 

 

Isinilid kita sa sako sa pag-aakalang madali kitang maitatago

Aaminin ko, sinubukan kitang ihulog sa ilog at ng matangay ka ng agos

Tangayin ka papalayo sa akin!

Subalit matindi ang kapit mo, nakakapit ng mahigpit sa dulo ng dila ko

 

Kasama ba kita sa pag-aaral ko ng a-ba-ka-da?

O baka minamasdan habang binibilang ko ang daliri sa paa

Siguro ay andun ka ng malaman kong ang Pilipino ay lahi ng Ita

Nagmatyag ka rin ba nung masdan ko ang uod na makalipad.

 

Alam ko na! Ikaw nga iyon!

Ikaw nga ang kasama ko ng pangarapin kong maging ako

Ikaw nga iyon na marunong umiyak sa gitna ng ulanan

Naguguluhan sa kabila ng iba’t-ibang ritmo sa buhay

 

Marami ka laging kasama

Marami ka ring ipinakilala

Alam kong marami ka pang ipapakilala

Pero sa kanilang lahat ay wala na akong maalala

Sige tumuloy ka na! Pumasok ka na

Kamusta ang ibang pintuan?

Pinapasok ka rin ba nila?

Ano na ba ang balita?

 

 

 

 

REPOST: Sa Pagniniig ng Ating Diwa

Binibini,

Bakit ginoo?

May nais akong ilahad sa iyo,

Ano ang nais mong sa aki’y ipabatid?

Makinig ka, sisimulan ko na.

Heto na, malapit na!

Oo malapit mo nang malaman,

At malapit ko nang ipaalam.

Ilalabas ko na!

Puputok na!

Sasabog na!

Naririto ako, sasaluhin lahat!

Lahat ng katotohanang,

Iyong ilalahad.

Naghihintay!

Nag-aabang!

Nakahandang sumalo,

Gaano man kabigat.

Dinikit ko ang aking palad,

Sa pisngi mong makinang.

Nilapit ko ang aking mga labi,

Malapit sa iyong tainga.

Humugot ng malalim na buntung-hininga

At – Nasaan na ang langit sa piling mo?

Oh ginoo, ako’y umusal ng isangtula,

Tulang ang nilalaman ay malinaw

Malinaw ang liriko, pamilyar ang kataga.

Ipagpaumanhin mo kung ito’y inaral,

Tanda lamang ito ng aking paghanga.

Paghanga sa iyong naiibang aura,

Paghanga sa naiiba mong dinidiwa.

Ako’y nahahalina,

Ang mainit at mapagbigay mong palad,

Ay may kiliting sa aki’y nagpapatila,

Pinapapinid pintuang nagbubukas-sara,

Pinapatahimik ang damdaming,

Nagpupuyos na sa ligaya.

Hinahanap mo ang langit?

Tumingin ka sa aking pagpitik,

Sa indayog ng aking kamay,

Matatanto mo ang salit-salitan.

Binibini iyong dinggin,

Nais ko lamang na ika’y angkinin.

Angkinin ang diwa mong sa aki’y nagpatigil,

Nagpahinto sa aking mundo kahit saglit.

Ginoo ko ako’y iyo nang naangkin.

Sa paggising ko’y saAmarillolaging nakatitig,

Naaalala laman ng diwang gumugunaw sa daigdig,

Dinadala ako sa kakaibang langit.

Paaano ba pahupain, damdamin iyong hatid?

Ako’y pilit inaalipin nang hindi matugmang hangarin.

Pilit mang harangin, subalit diwa’y pilit na umiimpit,

Lumalaban, naghahasik, nagpapagapi sa iyong piling.

Ikaw ba’y makisig o dapat pintuhuin?

Ikaw ba’y marikit upang ako’y mabaliw?

Ikaw ba’y sino at ganito ang iyong hated?

Ikaw ba’y isang hiyas na dapat kong asamain?

Aking binibini,

Hayaan mo akong hubarin,

Hubarin ang iyong kasuotan

Upang sa akin ay tumambad mala-dyosa mong katawan.

Ako sa iyo ay nagpapaubaya,

Alisin mo na ang tumatakip sa iyong pagnanasa.

Akin nang ibinibigay, upang iyong makita,

Lakas loob kong ilalantad para sa iyong pagtutugma.

Binibini, bakit ba ako yata ay naaakit,

Sa iyong kakaibang dagtang pintig,

Nagbibigay ng kakaibang ligayang

Akala ko sa una’y likas na damdamin,

Ngunit ngayon ko lang nawaring ito pala

Ikaw at ako, ako at ikaw ay iisa!

Iisa tayong sumasabay sa indayog ng musika.

Sa himig ng mga tulang ating ginagawa,

Naipahayag ang hindi mawikang paghanga.

Ikaw at ako ay labis na magkaiba.

Ikaw ang binibining may kakayahang bumusog

Sa diwang sabik na maari subalit hindi mangyari.

Tayo ay iisa,

Ikaw ang kasalungat ko subalit tayo ay iisa.

Ikaw ang gabi at ako ang liwanag,

Hindi man magtagpo ay may ugnayang gumigitna.

Tayo nga ay magkaiba!

Huwag nang tumutol dahil tayo ay magkaiba.

Ikaw ay langit, samantalang ako’y lupa.

Ako’y lupang pilit inaabot ang langit mong pagsinta.

Hindi dapat abutin ang tulad kong

Nakalutang lamang sa hangin.

Sapagkat tayong dalawa’y sabay

Magkasabay na lumilipad sa kalawakan.

Halika na’t muling kuhain ang punyal,

Punyal na mag-uukit sa ating tadhana,

Punyal na uukit sa ating diwa,

Punyal na magniniig sa aking pagnanasa,

Punyal na maaring kumitil sa ating ligaya.

Hatol ni Mabuti

 

Ang siyudad – ang siyudad na nakikisabay sa mabilis na pag-ikot ng panahon, sa mabilis na takbo ng umaga at nagmamadaling pagdilim ng paligid. Ang siyudad na pilit ginagawang larawan ng kaunlaran at kalakalan, na ginagawang pang-isang iglapan ang pagbabagong anyo ng industralisasyon. Ito, ito ang mukhang bumubungad sa kapaligiran ng bansang nasa iisang yugtuan lamang ang buhay, na iisang kasaysayan lamang ang inaalam at binabasa. ITO ang bansang paulit-ulit na nagiging sunud-sunuran sa dikta ng kanyang sawing kasaysayan.

Ang naglalakihang gusali na wari bang itinayo ng mabathalang kamay ay magkakahilerang inaabot ang kalangitan sa umaga at ang kalawakan sa gabi. Ang istrukturang nakikipagpataasan sa lipad ng mga ibon sa kalangitan na kung iyong susumahin ay kayang makabangga at lagutin ang hininga ng kawawang nilalang. Nakikipagtayugan sa isa’t isa na kung sa dating kwentong pambata ay dinadaig ng mga ito ang kawayan at ang puno ng manga.

Ang kalyeng hindi nagagawang matulog dahil kahit na sasapit ang pagdidikit ng araw ay narito pa rin at buhay na buhay – buhay sa ingay ng mga sasakyan ang nagkakagulong mga taong naglalakad sa kakalsadahan. Ang dating ingay ng kuliglig sa gabi ay binibingi nang malalaking tinig ng mga kahong may apat na paa na siyang humaharurot sa parihabang sinementong lupa at damuhan.

Kung lilibutin mo ang buong lungsod sa kadiliman ng gabi ay hindi mo mamamalayang panibagong araw na pala. Ang maliwanag at nagniningning na mga poste ay may kakayahang magpalimot sa kung anung oras na. Ang naninilaw na ilaw sa paligid ay may kakayahang baguhin ang anyo ng gabi. Ang nahihimbing na diwa ay pinapag-alab nang marikit na liwanag na sumasabay sa masalimuot na tugtuging walang nakaririnig kung hindi ang mga taong tuyo’t ang katawan at kaluluwa sa pag-asang ang bukas ay ngitngiti sa kanila.

Ang lungsod na larawan ng kaunlaran ay siya mismong malaking pahina sa aklat ng buhay na kumukunsinti at nagbibigay daan sa mas malayong puwang nitong langit at lupa. Ang kaunlaran ng lungsod ang siyang katotohanang nagbibigay giya sa pagkakaiba ng madilim at maliwanag. ITO ang lungsod sa sumasalamin sa gulong na hindi umiikot, hindi makausad at hindi maka-abante.

“Toto! Lumapit ka nga rito!” mabathalang pag-uutos ng isang lalaki. “Babain mo si Luis, kuhanin mo ang package, iakyat mo dito sa taas, iligpit mo itong lamesa, itago mo ang mga dokumentong ito, itapon mo ang basura, isama mo na ang lumang mga folders, kumuha ka ng bago sa stock room, magparesibo ka sa supplies, puntahan mo si Andy, ipahanda mo na ang kotse ko, ipagarahe mo naman ang company car, tapos walisan mo itong opisina, at habang wala ako, huwag kang tatamad-tamad!” sunud-sunod na utos nito.

Ang naumid na inuutusan ay hindi magawang makapagsalita, hindi magawang makapagreklamo o kaya naman ay makaangal. Ito na ang buhay niya na mula pagsilang ay nasa ilalim nang gulong na sumisiil sa kanyang katauhan, humahamak sa kanyang kakayahan at umaaba sa kanyang katauhan. Ito ang buhay nang isang walang kapangyarihang mamamayang patuloy na maaapi ang kanyang katayuan.

“Ano ba naman to!” bubod ng kawawang nilalang.

“May sinasabi ka?” tanong ng lalaki.

Umiling na lamang ang nilalang na wari bang sinasang-ayunan na lamang ang pagtangay sa kanya ng kapalaran. Nagpatianod ang walang labang pobre sa kung saan man siya dalin ng kanyang mapaghamon na bukas.

Ang mga oras na dapat sana ay ipinagpapahinga niya sa kanilang dampa ay kanyang ginugugol sa loob ng silid na iyon, ang silid kung saan napagkukuhanan niya ng karampot na halaga upang magkaruon ng pangkain at pangbuhay sa kanilang mag-amang pinatanda nan g panahon subalit nanatiling nasa ilalim ng tatsulok kasama ang napakaring gaya niyang nakalugmok at nakasubsob sa pang-aalipin ng kahirapan. ITO ang larawan ng isang tipikal na kaluluwang kumikilos gamit ang sariling kamay na pinagbabayaran ng masaganang pawis, hinanakit at sama ng loob.

Nakapagpalit nan g araw ng matapos ng kawawang matanda ang mga iniutos sa kanya. Pinatay na niya ang ilaw matapos ay may kung anung nag-udyok sa kanya upang silipin ang maliwanag na buhay sa labas ng opisinang iyon. Kasabay ng paglalim ng gabi ay ang sumisiglang tanawin, mga kabataang nakikisabay sa pagpapalit ng araw at nakikisayaw sa musika ng modern at huwad na kaunlaran.

May kurot na naramdaman ang kawawang matanda, kurot sa kanyang kalooban na kung susumahin ay isa lamang manipestasyon ng inggit at kalungkutan. OO, TAMA! Nakaramdam ng inggit ang puso ng kawawang matanda dahil ni minsan sa buhay niya ay hindi niya magagawang makapagsaya o makisabay sa daloy ng “kaunlaran” sapagkat ang mga taong tulad niya ay ikinulong nang lipunan upang manilbihan sa nakaraan. Siya ay nabubuhay upang tumamasa ng hindi tinatamasa ng iba – PAGHIHIRAP.

Gustuhin man niya o pilitin na mabago ang hihip ng hangin o kahit maging ang ritmo lamang ng kasaysayan subalit sa lakas na mayroon siya, sa kapalarang pinagkaloob sa kanya, sa katotohanang siya, na may kapangyarihan lamang tuwing eleksyon ay nakatadhana nang malugmok sa kahirapan at pagdurusa sa kasalanan ng kanyang kahapon. Tila ba isa itong sumpa na magpapasa-pasa lamang sa kanyang mga apo, apo ng mga apo, kaapu-apuhan, pinakakaapu-apuhan at maging sa kanyang apo sa dulo ng kanyang kalyo sa talampakan – KALYONG sumisimbolo ng mabibigat na trabahong kanyang ginagawa kapalit lamang ang maliit na halagang pilit pagkakasyahin upang mabuhay ang kanyang anak. Ito ang buhay na kanyang ipapamana liban na lamang kung sa isang iglap mababago at pupula ang kulay ng kanluran.

Isinara na ng matanda ang blinds sa bintana saka humakbang palabas, mabilis at nagmamadali. Nais na niyang muling makapiling at makasama ang kanyang anak na alam  niyang kumakalam na rin ang sikmura gaya niya.

Sa labas ng kanilang tahanan, nasaksihan ng kanyang mga mata kung papaanong kinakain ng dilim ang gabi ang kanilang bahay. Iba ito sa kanyang namasid sa pinapasukan na kung saan ay buhay na buhay ang mga kaluluwang naghahangad ng panandaliang aliw at ligaya kapalit ng salaping sa isang buwan ay pinaghihirapan niya.

Pero ano ito –

Julio! Anak!” sigaw ng kahabag-habag na matanda ng makitang bulagta sa sahig ang kanyang tanging pamilya.

“Tay?!” sabi ng batang may isang matipid at inosenteng ngiti.

“Andito na si tatay, andito na ako anak!” wika ng matanda habang inaalalayang bumangon ang kanyang anak.

Isang maliit na dampa lamang ang bahay na iyon, tabi-tabi ang mga bahay at gitgitan. Kung hindi mo pa uuriing maigi ay hindi mo mararamdamang may mga tao palang duon ay sumisilong at kumukuha ng proteksyon. Tagpi-tagpi at minsan pa’y butas-butas ang mga dingding na tinapalan ng plastic.

Akala ng lahat ay payapa na ang kadiliman, ngunit heto! Isang nakakapanindig na kaganapan ang kasalukuyang nagsisimula, ang tumpok ng mga bahay ngayo’y tila siga na pilit tinutupok ang munting mga barung-barong ng lahat ng pinagkaitan.

Ito ang HATOL! Ang hatol ng mga nagpapanggap na mabuti sa lipunan!

Be Untouched

Halayin mo ako!

 

Kalabit, kalabit sa matinding sikat ng araw

Hinahaplos aking bisig, sa gitna ng init

Kalabit, kalabit, ikaw ay may hiling

“Gawin mo sa akin, itong sa iyo’y pinipilit,”

 

Pikit-mata, ikaw ay unting nabulag

Niyang bulaang pakiramdam,

Na pakawala ng ninanasang,

Iyong biglang naramdaman.

 

Pakalabit naman, iyon ang iyong hiling,

Pinilit hagilapin, dangal kong kay himbing,

Hindi maatim, na ikaw ay ituring

Na tila pakawala sa gitna ng dilim.

 

May mga damdaming dapat ay bigyan ng higit,

Pang-unawa at pag-uuri sa nanlilitong daigdig.

May ibang nais, itong mga isipang hindi dapat mabigkis,

Maging malaya, sa anumang dikta ng hangin.